TINATAYANG 46 porsiyento ng mga Pinoy ang naniniwalang gaganda ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan, ayon sa Social Weather Stations (SWS).
Sa isinagawang survey ng SWS mula Hunyo 26 hanggang 29, 40 porsiyento naman ang nagsabi na walang magiging pagbabago sa kanilang buhay, apat na porsiyento ang nagsabing lalala pa ang kanilang sitwasyon at 11 porsiyento ang walang isinagot.
Umabot naman sa +42 ang net personal optimism (46-4) na kinlasipika ng SWS na excellent (+40 pataas).
Ito’y mas mataas ng tatlong puntos sa very high na +39 noong Abril 2022 at kapareho ng excellent +42 noong Disyembre 2021 at dalawang puntos na mas mababa lamang sa excellent +44 noong bago mag-pandemya na Disyembre 2019.
Isinagawa ang survey gamit ang face-to-face interview sa 1,500 respondent sa buong bansa.